h1

Ang tulay at ang coloring set

June 25, 2012

Sa isang tulay na kahoy, di kahabaan ang sukat, hindi ko alam kung saan dako ngprobinsya iyon, basta tulay na sa ilalim ay ilog, kasama ko ang aking pamilya, naglalakad doon.  Hanggang ang hawak kong “Coloring Sets” na ibinigay ni Tatay sa mga bata ay aking nabitawan at nahulog sa ilog.  Sa kagustuhang maisalba ito at maibalik sa mga bata ay bumaba ako ng tulay at dumako sa ilog sa pag-asang makukuha ko iyon.  Hindi ako marunong lumangoy kaya ang tanging nagawa ko ay sinundan ang ‘coloring sets’ habang umaasa na sasabit ito sa tabi ng ilog na maari kong maabot pagdaka.

Hindi ko namalayan na ako pala ay napapalayo na sa kahahabol sa bagay na iyon at ang aking pamilya ay naiwan ko na sa tulay. Nakita kong sumunod sila pero halos hindi ko na sila matanaw mula sa kinalalagyan ko.  Hanggang ako ay nakarating sa isang lugar na may bahayan kung saan tumatagos ang ilog na iyon sa isang makitid na canal, wala na ang aking pamilya hindi ko na sila matanaw pa at ako’y biglang natakot.  Ang coloring set ay sumabit sa isang kumpol ng basura sa canal na masikip at nakuha ng isang lalaki na nakatira sa tapat ng canal. Hiningi ko ang bagay na iyon at ipinaliwanag na akin itong hinabol hanggan sa kinaroroonan namin at ibinigay niya, ngunit ang aking pamilya ay nasaan na.

Hanggang namalayan kong ako’y nasa isang panaginip.  Oo, panaginip at sa kabilang kwarto ay parang nauulinigan ko ang pamilya ko. Subali’t hindi ko magawang makagalaw. Binabangungot ba ako?! Ramdam ko ang aking katawan nagpupumiglas, nagpipilit magising, ang diwa ko ay gising na gising ngunit ang katawan ay tulog.  Kapag ganoon ang nangyayari sa akin, taimtim akong nananalangin at pilit kong iginagalaw ang aking mga daliri sa paa.  Narinig kong payo iyon mula sa mga nakakatanda. Sa panalangin ko’y humingi ako ng awa sa Dios, ibinulong ko sa kanya na maliliit pa ang mga anak ko para mawalan ng isang magulang.  Nais ko pa silang makasama at magabayan hanggang sa kanilang paglaki, iyon ang aking hiling sa Panginoon.  Isang malalim na hininga at pagpipilit na paggalaw ng mga daliri sa paa at ako’y nagising na hinahabol ko ang aking hininga.  Natakot ako, iyon ang totoo habang umuusal ng pasalamat sa Dios.

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: