Archive for August, 2013

h1

Sa Lihim

August 30, 2013

Nagkamali ako at salamat sa Dios sa Kanyang pagtutuwid. Purihin ang pangalan ng Dios, ang Kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman.  Ang Kanyang kabutihan at mga biyaya ay sumasagana at hindi masayod.  Salamat ng marami sa Dios.

Sa tuwina pa nga, ang mga bagay na gustong ibulalas ng aking puso, maging sa kagalakan man o sa kapighatian, naisasaysay ko sa pamamagitan ng paraang ito.  At sa araw ng Pasalamat ng Katawan (PNK), ipinaunawa ng Dios kay Bro. Eli Soriano ang mga lihim na dapat nating ilihim lalo pa nga’t mga kahilingan natin sa Dios dahil sa sari-saring pag-uupasala ng mga kaaway ng katotohanan.  Sapagka’t sa lihim, mayroon tanging nakakakita, ang Ama na Makapangyarihan sa lahat.  Hindi kailanman makikita ito ng kalaban.

Tiningnan ko ang aking sarili, ang aking paggawa at paraan ng pananalangin. At nasabi ko , “kaya pala”.  Kaya simula sa oras na iyon hanggang sa may mabubuting pagkakataon na makapanalangin tayo sa Dios na Lumikha ng lahat ng bagay, itago natin sa ating mga puso ang ating mga daing at kahilingan sa Dios, sapagkat ang ating kaaway ay palaging nakahanda upang ito ay hadlangan.

 

Filipos 4:6 Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.

 

7 At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus.

 

Salamat sa Dios ng maraming marami.

h1

Mensahe

August 14, 2013

By Cecille S. Perea

June 15, 2008

Nalulungkot ang anak ko, na sa inyo ay nagmahal

Ibinigay n’ya ang buhay, upang matubos ang sanglibutan

Pinasan n’ya ang krus, ang bigat ng pagdurusa

Upang kayo ay mabuhay, ng payapa at maligaya.

 

Ngunit kayong mga tao, na di marunong lumingon

Sa tumubos sa inyong sala, sa mahal ninyong Poon

Ako na kanyang Ama ang labis na nagdurusa

Sa nakikita kong ganti ng mga nilalang sa kanya.

 

Ang anak ko’y dumaraing, nagdurusa’t tumatangis

Baka hindi na tumagal, sa hirap na tinitiis

Ang kasalanan ng tao ay sobra na at labis labis

Yaman at kapangyarihan ang lagi ng nasa isip

At pagdating n’yo sa akin, anong inyong isusulit

Kung di pawang kasamaan kalungkutan sa aki’y hatid.

 

Ang sanglibutan ngayon, ay tigib ng lagim at pighati

Kasamaa’y lumalabis nililimot ang matuwid

Paghahangad sa kapangyarihan, inggitan ang nanaig

Matupad lang ang nais, kahit buhay ang mabuwis.

 

Marami sa nilalang ay mapagbalat kayo ang puso

Ginagamit ang ngalan ko upang sa kanila ay marahuyo

Ngunit di nila batid, kahit ito ay itago

Ako’y laging nakatitig, sa madlang puso’y walang maitatago.

Ngunit kung tunay ang nagmamahal

SA anak ko at sa Akin

Inaari itong baliw, nililibak ito mandin

Mapalad ang nilalang sa paghamak ay matiisin

Pagdating nila sa langit, ligaya ang kakamtin

Mapalad ang mababa, sila’y Aking itataas.

At aking ibaba naman ang nagpapakataas.

Kaya mga tao, linisin ang inyong puso

Alisin ang pag-iimbot at kasamaan sa inyong loob

Ang yaman at kapangyarihan, ito’y hanggang lupa lamang

Pagdating nyo sa itaas kayo’y aking huhusgahan.

 

Bigyan pansin ang inyong mga sarili

Mga buktot na hangarin, pawiin sa inyong isip

Tumingala kayo sa langit, manalangin at magsisi.

Ang madilim na landasin, liwanag ang hahalili.

At kung ang anak ko’y darating na, ito’y inyong madarama

Kaya habang may panahon, pagibig ang paghariin na.

h1

Dalangin ng mga Mangmang

August 14, 2013

By: Sis. Cecille S. Perea
04-30-2011

Dalangin ng mga Mangmang

Ama, tunghayan mo itong aming bayan

Iyong makikita ang kapariwaraan

Ama, kami’y sagipin sa kapighatian

Sapagka’t nananaig ay pawang kasamaan

At ang gawang matuwid ay kinalilimutan.

 

Ama, ginagamit nila ang iyong pangalan

Ang kabanalan, pawang paimbabaw

Pawang kalupitan ang nasa kalooban

Hinahamak nila ang mga mangmang

Inaalimura’t kinasusuklaman.

 

Ama, maawa ka, tulungan Mo kami

Huwag Mong pabayaan, buhay maduhagi

Itong aming bayan, ang namamayani

Pawang kalikuan at pagkukunwari

Ama, sagipin mo sa pamimighati.

 

Ama, ang namamayani ay Anti-Kristo

Kaya, nawawala ang pagibig sa puso ng tao

Kasakiman at paghahangad sa kayamanan

Kahit pumatay huwag lang mawala ang kapangyarihan

Dumanak man ang dugo ng kapwa’y walang pakialam

Tumatawa sila sa pananagumpay.

 

Ama, ang puso nila’y sintigas ng bato

Pagka’t naghahari ay ang Anti-Kristo

Hanggang kailan kaya ito matatapos?

Ama, ikaw lamang ang nakakatalos.

 

Ama, ang kalooban Mo ang aming susundin

Alam kong diringgin Mo ang aming dalangin

Di Mo hahayaan itong aming bayan

Sa pamimighati at sa dusa’y malibing

Bibigyan Mo ng kawakasan yaong kasamaan

Ang paghahariin, banal Mong katwiran.